sa ilalim ng talulot
ng pikit niyang mga mata,
umiikot ang kanyang paningin.
tila naghahanap sa dilim
ng daan palabas
ng bangungot
na sumukob sa mundong
itinago ng tulog -
nais tumakas sa
halakhak ng humahabol
na halimaw.
di man mahimbing
di rin magising
ang aking mahal.
di maimulat ang mga mata.
maya maya pa’y bumuka ang kanyang bibig,
bahagya,
at muling itinikom.
wari’y sikretong muntik nang makaalpas.
nais kitang sundan
mahal ko,
hanapin ka sa karimlan.
dala ko ay
kandilang di naagnas at
apoy ng dakilang tapang.
handa na akong lumusong
sa kumunoy ng iyong katinuan;
kundangan lang sa iyong
pagbalik.
humahangos,
butil-butil ang pawis,
at walang pagkilalang nabanaag
nang ako’y iyong tignan.
sa susunod, mahal
mauuna na ako
sa lugar na iyong kinatatakutan
at doon maghihintay -
nang ni isang saglit
di mawalay ang ating malay.
kay lungkot mag-isa.
ay… malupet ka iona… spying on your love while he’s sleeping ha! hehehe
ang ganda. sigh. gusto ko magsulat ng tagalog poetry. gusto ko magsulat ng tagalog na seryoso. ang galing nyo ni emman. nakakabadtrip. minsan magsusulat din ako.
favorite line ko ito:
sa susunod, mahal
mauuna na ako
sa lugar na iyong kinatatakutan
at doon maghihintay –
nang ni isang saglit
di mawalay ang ating malay.